Ang FEU-Tanggapan ng Larangan ng Filipino ay nakikiisa sa pambansang pagdiriwang ng Buwan ng Wika, bilang pagtupad sa atas ng Pangulo ng Pilipinas, proklamasyon blg. 1041 na nagpapahayag ng taunang pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa. Ayon sa proklamasyong ito, ang pagpapahalaga sa isang katutubong wikang pambansa ay pinatutunayan ng pagkakaroon ng kaukulang probisyon sa Saligang-Batas ng 1898, 1973 at 1987.
Dahil dito, nagpahayag si G. Fidel V. Ramos, dating Pangulo ng Pilipinas (1992), sa bisa ng kapangyarihang ipinagkaloob sa kanya ng batas ay nagpahayag ng taunang pagdiriwang tuwing Agosto 1-31 bilang Buwan ng Wikang Pambansa sa pangunguna ng mga pinuno at kawani sa sektor ng pamahalaan, mga pinuno at guro sa sektor ng edukasyon, mga kinatawan ng pakikipag-ugnayang pangmadla, mga pinuno at miyembro ng iba’t ibang organisasyong pangwika, pang-edukasyon, pangkultura at sibiko, at mga organisasyong di-pampamahalaan.
Sa pamamagitan nito, bumuo ang FEU-TLFilipino ng mga aktibidad sa buong buwan ng Agsoto, bilang pagtupad sa nasabing probisyon. Ginanap ang Uswag Tamaraw noong ika-6 ng Agosto 2019 sa FEU-Library Special Collection Room, bilang panimulang gawain sa pagdiriwang ng Buwan ng Wika. Dinaluhan ito ng administrasyon, mga puno ng iba’t ibang departamento mula sa Instituto ng mga Sining at Agham, guro at mag-aaral, mga opisyales ng Far Eastern University Central Student Organization (FEUCSO), at mga manunulat sa Filipino Section ng FEU-Advocate.
Narinig sa talakayang ito ang damdamin at opinyon ng mga dumalo tungkol sa isyu gaya ng CMO 20, s. 2013 atbp. Sama-samang tinalakay dito ang kahalagahan ng Filipino at Panitikan bilang mga asignatura sa GE Curriculum at ang pagpapanatili nito sa antas-tersyarya.
Narinig din sa talakayan ang paninidigan ng mga dumalo tungkol sa pagpapanatili ng Filipino at Panitikan sa unibersidad. Mabunga at nagkakaisa ang mga dumalo sa kahalagahan ng Filipino at Panitikan, gayundin ang patuloy nitong pananatili sa antas tersyarya.
Narito ang poster ng mga aktibidad para sa programa ng pagdiriwang ng Buwan ng Wika sa FEU. Inaayayahan ang lahat na makiisa at dumalo.
Mabuhay ang Wikang Filipino!
Mabuhay ang FEU! Uswag Tamaraw!